Tanauan City, nakiisa sa Training-Orientation on Disaster Preparedness Manual For Localized Weather Disturbances!
Dahil sa patuloy na pagsisikap ng ating Punong Lungsod Sonny Perez Collantes na mas maging handa ang Tanauan sa panahon ng bagyo at mga sakuna, naging matagumpay ang pakikibahagi ng Tanauan LGU sa Training-Orientation on Disaster Preparedness Manual For Localized Weather Disturbances kahapon ika-26 ng Enero, 2023.
Sa unang bahagi ng programa, ipinaliwanag ni Dost_pagasa Assistant Weather Services Chief Sharon Juliet M. Arruejo ang mga iba’t ibang uri ng Local Weather Disturbances kabilang na ang mga dapat tandaan sa tuwing may “Thunderstorm Warning” at “Heavy Rainfall Warning” sa isang lugar.
Tinalakay naman ng Geologist mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR)-MGB na si Ms. Kate Ashley Torrefranca ang mga uri ng pagbaha tulad ng “Flash Flood” at “Sheet Flood”, inalam din ang mga dahilan ng pagbaha sa iba’t ibang lokasyon at ang kinakailangang mga “Mitigation Measures” upang mas maiwasan ang mga panganib na dala nito lalo’t higit sa mga mabababang lugar. Kasabay nito, ibinahagi rin kung paano ginagawa ang isang “Geohazard Map” na naglalaman ng detalyadong impormasyon sa mga landslide at flood prone areas ng isang LGU.
Samantala, nagkaroon din ng diskusyon kasama si Mr. Raymon T. Ong mula sa Ateneo De Zamboanga University ukol sa ALeRTO Early Warning System, ang ALeRTO System o “Automated Water-Level and Rain Monitoring Using Near Real Time Observation” ay may kakayahang magbigay ng impormasyon ukol sa Water-Level at Rain Monitoring ng isang lugar, mayroon din itong sensor na magagamit sa “Color Warnings” sa tuwing magbibigay ng abiso sa publiko lalo’t higit sa panahon ng bagyo.
DILG Mimaropa Region naman ang nagpaliwanag ng katungkulan at kinakailangang sundin na mga hakbang ng bawat Pamahalaang Panlalawigan hanggang sa mga Barangay para sa paghahanda sa tuwing may sakuna at kalamidad.
Bilang pagtatapos, ang bawat LGU ay sumailalim sa workshop ukol sa paggawa ng Local Action Plan na naglalaman ng iba’t ibang bahagi tulad ng Pre-Disaster Requirements, pagkalap ng mga Critical Areas na madaling bahain at mga aksyon na dapat ilatag sa mga oras ng pagbaha.
Ang nasabing pagsasanay ay dinaluhan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office 24/7 – Tanauan City at City Information Office ng Pamahalaang Lungsod ng Tanauan, dumalo rin ang lahat ng Local Government Unit (LGU) sa Lalawigan ng Batangas kasama na rin ang mga probinsya sa loob ng MIMAROPA Region. Pinangunahan ito ng DILG IV-A, DILG Batangas, DILG Mimaropa Region at Batangas PDRRMO.