Ika-132 Anibersaryo ng Kapanganakan ni Pres. Jose P. Laurel, ginunita sa Lungsod ng Tanauan
Sa pangunguna ni Mayor Sonny Perez Collantes, sama-samang ginunita kaninang umaga ng buong Pamahalaang Lungsod ng Tanauan ang ika-22 Anibersaryo ng Kapanganakan ng ating bayaning si Pres. Jose P. Laurel Sr. kasama ang anak nito na si Donya Potenciana “Nita” Laurel-Yupangco at ang Pamilya Laurel.
Sa mensahe ni Mayor Sonny, kaniyang binigyang-pugay ang hindi matatawarang kontribusyon ng ating bayaning Tanaueño na kaniyang isa sa personal na inspirasyon sa patuloy na paglilingkod para sa bayan.
Aniya, maituturing na ihemplo ang dating pangulo, hindi lamang sa larangan ng pulitika, kung hindi pati na rin sa dedikasyon, husay at prinsipyo nitong ipaglaban at maiangat ang pamumuhay ng bawat mamamayang Tanaueño.
Habang ayon kay Congresswoman Ma. Theresa “Maitet” V. Collantes, patuloy na makikipagtulungan ang kaniyang tanggapan upang mapreserba ang Laurel Ancestral House at higit sa lahat, ang pamanang kasaysayan nito.
Samantala, kabilang din sa nakiisa at nag-alay ng bulaklak sa bantayog ni Pres. Laurel ay sina dating Tanauan Mayor Paquito Lirio, former Board Member Devs Balba, miyembro ng Sangguniang Panlungsod sa pangunguna ni Vice Mayor Atty. Jun-jun Trinidad at Chair Committee on Tourism, Archives and Historical Matters Kon Sam Torres Aquino Bengzon, mga kawani ng lokal na pamahalaan, at mga kinatawan ng iba’t ibang henerasyon.
Bukod dito, naging bahagi rin ng programa ang mga dating lingkod bayan at kaanak ng ating Pangulo na sina Ambassador Mr. Macario Laurel at asawa nito na si Ms. Letty Laurel, Former Batangas Governor Mr. Joey Laurel, Former 3rd District Ms. Lally Laurel, Laurel Foundation Executive Director Ms. Julie Shiela Reyes, at Ambassador Rey Carandang.