ORIENTATION PATUNGKOL SA OMNIBUS TRAFFIC ORDINANCE, DINALUHAN NG MGA ADMINISTRATIVE OFFICERS NG TANAUAN CITY
Matagumpay na naisagawa ngayong araw, Nobyembre 9, 2022 ang orientation patungkol sa City Ordinance No. 08-5 ng Lungsod ng Tanauan o mas kilala bilang “Omnibus Traffic Ordinance” na dinaluhan ng mga Administrative Officers ng Pamahalaang Lungsod.
Layunin ng programang ito na mas maisaayos at maging masunurin sa batas trapiko ang mga mamamayang Tanaueño lalo’t higit ang mga kawani ng Pamahalaang Lungsod sang-ayon sa kagustuhan ng ating Punong Lungsod Mayor Sonny Perez Collantes.
Kabilang sa mga pinagtuunan ng pansin ang traffic violations at penalties gayundin ang pagpapaigting ng implementasyon ng Towing Ordinance kung saan mahigpit na ipinagbabawal ang pagpaparada ng sasakyan na lampas sa 5-10 minuto sa JP Laurel Highway-Sto. Tomas boundary hanggang Tanauan-Malvar boundary ng Barangay Darasa gayundin sa A. Mabini Avenue mula sa F. Laurena St. sa Poblacion 1 hanggang OLTAP Subdivision sa Barangay Sambat.
Kaugnay nito, tinalakay rin ang mas maigting na operasyon ukol sa Road Clearing, No Parking, Tow Away Zones at Truck Ban bilang solusyon sa inaasahang pagbigat ng daloy ng trapiko dahil sa darating na kapaskuhan.
Ang mga nagsilbing resource speakers ay sina Mr. Carlito Macaisa Jr, Gng. Lisa I. Sangalang at Mr Prisco Mamalayan mula sa Traffic Management Office (TMO)—sa pamumuno ni Mr. Cesar De Leon. Ito ay dinaluhan din ng ating City Administrator Wildredo Ablao upang magpaabot ng suporta at suhestiyon sa naturang orientation.