Maigting na paghahanda ng Pamahalaang Lungsod sa implementasyon ng YAKAP-BAYAN PROGRAM, binigyang suporta ni Mayor Sonny Perez Collantes
Sa patuloy na pagsusumikap ng Pamahalaang Lungsod na maglunsad ng mga programa upang labanan ang mga suliraning may kinalaman sa ilegal na droga, naging matagumpay ang isinagawang training para sa paggamit ng Multi-Dimensional Reintigration Tools (MDRT) at pag-aaral ng unang bahagi ng YAKAP BAYAN After Care Modules, na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa PNP-Tanauan, City Social Welfare and Development Office, City Health Office, Faith-based organization at Tanauan City Information Office.
Ang YAKAP-BAYAN PROGRAM ay programang isinulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang tulungan ang mga Recovering Persons Who Use Drugs (RPWUDS) na muling maging isang produktibong mamamayan para sa kanyang pamilya at komunidad kabilang na ang kanilang pakikiisa sa mga programa ng Gobyerno, kaya naman pangunahing layunin nito na mula sa pagiging isang “Surrenderers” ay maitaguyod sila na maging mga “Community Leaders”sa hinaharap.
Sa naturang capacity building mula ika-5 hanggang ika-7 ng Disyembre, ang mga kinatawan at implementers ng YAKAP BAYAN PROGRAM mula sa Pamahalaang Lokal ng Tanauan, LGU Calatagan, Batangas, San Luis, Batangas, Municipality of Tuy, Taysan at Cuenca ay sumailalim sa mga pagsasanay at diskusyon upang magkaroon ng mas malalim na kaalaman patungkol sa Rehabilitation, After Care, Reintegration at Institutionalization ng programa.
Naging daan din ito upang ang mga focal person ng bawat LGU ay magkaroon ng komprehensibong pagpaplano sa proseso ng case management na nangangailangan ng Multi-Disciplinary Reintigration katuwang ang iba’t ibang departamento, konseho at ahensiya tulad ng DILG-BADAC, CADAC, CDRRMO, CHO, CSWD, PNP, DepEd, PESO, PNP at Faith Based Organization. Nagsagawa rin ng practice sessions na nakapaloob sa mga after care modules para naman sa mas maayos at aktuwal na pagtuturo nito sa mga RPWUDS.
Pinangunahan ito ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, DSWD Region IV-A at Batangas PSWDO kung saan naging resource person sila Mr. Brindon E. Malapo, RSW (Social Welfare Officer II/Social Technology Unit Head DSWD IV-A) at Mr. Juliezher Colaljo (Focal Person/Social Technology Unit-DSWD FO IV-A).
Kaugnay nito, nanindigan naman si Mayor Sonny Perez Collantes na handa siyang magbigay ng buong suporta sa ating mga social workers at iba’t ibang ahensiya upang matulungan ang mga RPWUDS sa lungsod at mabigyan sila ng pagkakataon na magbagong buhay at maging isang produktibong mamamayan ng Tanauan.