Emergency meeting para sa naging epekto ng hanging habagat at bagyong Carina sa Lungsod ng Tanauan.
Bunsod ng tuloy-tuloy na pag-ulan na nararanasan ng bansa, patuloy na binabantayan ni Mayor Sonny Perez Collantes kasama ng mga miyembro ng City Disaster Risk Reduction and Management Council ang magiging epekto ng hanging habagat at bagyong Carina sa Lungsod ng Tanauan.
Sa pagpupulong na naganap, iniulat ang epektong naranasan sa ilang lugar kabilang ang walong barangay na naapektuhan ng pananalasa ng hanging habagat, mga School Buildings na nagkaroon ng minor damage, at patuloy na relief operations para sa mga pamilyang inilikas.
Sa kabuuan tinatayang nasa 125 pamilya ang apektado ng bagyo na nasa pangangalaga ng ating mga evacuation centers. May naiulat ding landslide sa Mahabang Buhangin na agad ring nabigyan ng aksyon. Nakahanda naman ang Office of the City Agriculturist at Office of the City Veterinarian upang makipagtulungan sa Crop Insurance para magbigay ng tulong sa 82 magsasakang nasiraan ng mga pananim at ating kababayan na namatayan ng 4 na Livestocks (Kambing).
Ang opisina naman ni Congresswoman Ma. Theresa “Maitet” V. Collantes ay nakikipagtulungan na sa Department of Social Welfare and Development Office para sa karagdagang tulong na ipaaabot sa mga nasalanta.
Patuloy pa rin na pinaaalalahanan ni Mayor Sonny ang mga kababayan na maging alerto at mag-ingat sa posibleng mga pagbaha at pagguho ng lupa dala ng patuloy na pagbuhos ng malakas na ulan.