Bago at Modernong Medical Services, ihahatid ng Bagong Healthway QualiMed Daniel O. Mercado Medical Center
“Care Beyond Cure” – Mas bago at modernong medical services na ang maaaring asahan ng ating mga kababayan dahil pormal nang ipinakilala kagabi ang bagong bihis ng Daniel O. Mercado Medical Center kung saan tagumpay na isinagawa ang Signage Unveiling nito sa pangunguna ni AC Health Board of Directors member Ms. Mariana Zobel de Ayala katuwang si Tanauan City Mayor Sonny Perez Collantes at mga kinatwan ng iba’t ibang sektor at organisasyon sa Lalawigan ng Batangas.
Ayon kay Mayor Sonny, isa ang Healthway Medical Network QualiMed DMCC sa katuwang ng ating lokal na pamahalaan at Tanggapan ni Congresswoman Ma. Theresa “Maitet” V. Collantes sa pag-agapay sa ating mga kababayang nagkakasakit o kinakailangan ng atensyong medikal. Bukod dito, nagpasalamat ang ating Alkalde sa pamamagitan ng kanilang programa at pasilidad na senyales ng unti-unting progreso ng Lungsod pagdating sa serbisyong medikal.
Habang sa mensahe naman ni Ms. Mariana Zobel de Ayala, kaniyang pinasalamatan ang Pamahalaang Lungsod ng Tanauan sa walang sawang suporta nito sa adhikain ng Healthway QualiMed na maihatid ang kalidad na serbisyong medikal, may pandemya man o wala. Aniya, ang rebranding na ito ay simbolo rin ng magandang bukas para sa larangan ng healthcare at panibagong oportunidad sa mas accessible at affordable na medical services.
Karagdagang dito, ayon kay AC Health President and CEO Mr. Paolo F. Borromeo, inaasahan din naagkakaroon na ng Cancer Care at Ontology Center sa darating na Oktubre na layong tugunan ang pangangailangan ng mga cancer patients nating kababayan. Dagdag pa rito, inaasahan din ang pagpapalawak ng iba pa nilang programa tulad ng KonsultaMD at Generika Drugstores sa Lungsod ng Tanauan.
Samantala, malugod na ibinalita rin ng Ayala Corporation ang launching at pamamahagi ng Healthway Medical Network Care Cards para sa mga Batangueño sa Ikatlong distrito, kabilang na ang Lungsod ng Tanauan, Sto. Tomas, Malvar at Talisay.
Layon ng Care Cards na ito na mas mapalawak nito ang serbisyo ng Healthway Medical sa pamamagitan ng mga multi-specialty centers at ospital na bahagi ng pagpapalawak ng kanilang network at patient-centric healthcare para sa bawat mamamayang Pilipino.