Seguridad sa kalusugan ng bawat Tanaueño, tinalakay sa Unang Joint Local Inter-agency Task Force and Local Health Board Meeting ngayong taon!
Isinagawa ngayong araw unang pagpupulong sa taong 2023 ng Tanauan City Local Joint Inter-Agency Task-Force (IATF) at Local Health Board meeting sa Mayor’s Theater Room na pinangunahan ni Mayor Sonny Perez Collantes katuwang ang City Health Office sa pamumuno ni Dra. Anna Dalawampu.
Dito, ipinagbigay alam ni Dra. Dalawampu ang ulat hinggil sa kaso ng COVID-19 sa Tanauan kung saan mayroon lamang na 7 kaso ng COVID-19 ang ating Lungsod. Gayundin ang pakikipagtulungan sa mga tanggapan na dumalo na maging kaisa na patuloy na humikayat ng ating mga kababayan sa pagpapabakuna upang maiwasan ang pagrami ng kaso ng naturang sakit.
Kaniya ring ipinaalam na nakapagtala ng 6 na kaso ng Dengue noong nakaraang buwan, kung kaya’t pinaiigting pa rin ng ating Lokal na Pamahalaan ang 4S Kontra Dengue o Search and Destroy, Seek Early Consultation, Self Protection Measures and Support Spraying/ Fogging ng Department of Health upang tuluyang mapuksa ang mapanganib na dala ng lamok sa Lungsod.
Kasabay nito, ang banta ng Hand, foot and mouth disease na mayroon namang 18 na mga kompirmadong kaso. Sa kabila nito patuloy ang pagbibigay paalala sa publiko na patuloy na mag-ingat laban sa banta nang mga nasabing sakit at palaging makinig sa mga eksperto kung papaano makakaiwas sa panganib na dulot ng mga ito
Paiigtingin naman ni Mayor Sonny Perez Collantes ang mga ginagawang hakbang para mapangalagaan ang ating mga kababayan, sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga ahensya o tanggapan upang bigyang seguridad ang kalusugan ng bawat Tanaueño at upang tuluyang mapuksa ang bilang ng mga nakahahawang sakit sa Lungsod ng Tanauan.