Pagpapanatili ng kaayusan sa Lungsod ng Tanauan, tinalakay ng ating Punong Lungsod Sonny Perez Collantes kasama ang PNP, BJMP at BFP!
Tungo sa mas maayos at mapayapang Lungsod ng Tanauan, nagkaroon ng pagpupulong ngayong araw ang ating Punong Lungsod Sonny Perez Collantes at Congresswoman Ma. Theresa “Maitet” V. Collantes kasama ang Philippine National Police, Bureau of Fire Protection at Bureau of Jail Management and Penology.
Kabilang sa tinalakay ang mga hakbang, plano at programa para sa pagpapabuti ng kanilang tungkulin na mapaigting ang kaayusan sa ating mahal na Lungsod. Sa hanay ng Kapulisan, binigyang pugay ni Mayor Sonny ang kanilang pakikipagtulungan sa Pamahalaang Lungsod para sa pagpapanatili ng kapayapaan sa nakalipas na Pasko at Bagong Taon. Gayundin, ang kahilingan ni PLTCol John Ganit Rellian para sa karagdagang kagamitan na kakailanganin sa kanilang mga operasyon.
Patuloy rin ang ibinibigay na suporta ng Tanauan Bureau of Fire Protection sa isinasagawang Business-One-Stop-Shop ng Pamahalaang Lungsod para mapabuti at mapabilis ang pagproseso at pagkuha ng mga dokumento ng ating mga negosyanteng kababayan.
Ipinaalam naman ni Tanauan City Jail Chief Inspector Marlon D. Barrun na magpapatuloy pa rin ngayong taon ang Training Skill Program at Livelihood Program para sa mga Persons Deprived of Liberty. Isa ring napakagandang balita na plano ring magkaroon ng Senior High School program sa loob ng Bureau of Jail Facility.
Samantala, nagkaroon ng makahulugang dayalogo ang ating Punong Lungsod at mga opisyal/kawani ng nasabing mga ahensya, dahilan para sa mas mahusay na koordinasyon at pagpapalawak ng mga ideya kung papaano mas magiging epektibo ang isinasagawang mga hakbang para sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa Lungsod ng Tanauan.