Oryentasyon para sa mga VAWC Desk Officers, inilunsad ng Pamahalaang Lungsod ng Tanauan!
Bilang tugon sa pagpapanatiling ligtas ng kababaihan at kabataan sa ating lungsod, inilunsad ngayong araw, sa pangunguna ng Pamahalaang Lungsod, katuwang ang Gender and Development Office (Gad Tanauan) at Tanauan Local Social Welfare and Development (CSWD) ang Training Orientation on the Guidelines For Handling Special Cases alinsunod sa RA 9262 and RA 7610 na dinaluhan ng 58 VAWC Desk Officers mula sa ibat-ibang Barangay sa Lungsod ng Tanauan.
Sa tulong ni Fiscal Jenneffer F. Zara-Ressurreccion, nabigyang-kaalaman ang ating mga VAWC Desk Officers patungkol sa RA 7610 (Anti-Child Abuse Law) at RA 11313 o ang Safe Space Acts (Anti- Bastos Law) at mga tamang pamamaraan upang aksyunan ang mga ganitong kaso kung sakaling mailapit ito ng ating mga kababayan sa mga localized barangay desk units.
Habang nagpaabot din ng mensahe at karagdagang kaalamang batas na poprotekta sa mga kababaihan si Tanauan City Women’s Coordinating Council President Atty. Cristine Collantes, hindi lamang para sa ating mga desk officers kung hindi pati na rin sa ating mga kawani ng Pamahalaang Lungsod.
Layon din ng aktibidad na ito na patuloy na mapababa ang datos ng karahasan sa pamamagitan ng pagsugpo ng iba’t ibang klase ng pang-aabuso at mailapit ang mga komprehensibong interbasyon upang maprotektahan ang karapatan ng bawat mamamayang Tanaueno.
By: Ranch