Collantes-Marcos magkatuwang sa pangangalaga sa mga mamamayan ng Lungsod ng Tanauan.
Malugod na sinalubong nina Mayor Sonny Perez Collantes at Congresswoman Ma. Theresa “Maitet” V. Collantes si Senator Imee R. Marcos sa Lungsod ng Tanauan nitong umaga ng Huwebes ika-24 ng Nobyembre 2022.
Dahil sa pakikipagtulungan at inisyatibo ng ating Pamahalaang lokal sa Pamahalaang Nasyunal, isang libong mga kababayan natin mula sa lahat ng Barangay sa Lungsod ng Tanauan ang pinagkalooban ng tulong pinansyal sa ilalim ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development. Ang bawat indibidwal ay nakatanggap ng tig tatlong libong piso (P3,000) bawat isa, ang tulong na ito ay bilang tugon ng ating Pamahalaan sa mga kababayan nating lubos na nangangailangan partikular na sa mga naapektuhan nitong nagdaang bagyo at kalamidad.
Unang nagbahagi ng mensahe at pasasalamat si Mayor Sonny Perez Collantes sa paglalaan ni Senator Imee Marcos ng kaniyang oras upang personal na maipamahagi ang tulong pinansyal at makadaupang palad ang ating mga kababayang nangangailangan.
“Alam niyo ho mga taga-Tanauan, hindi ho tayo nag-iisa dahil kasama natin ang pamunuan sa ilalim ng bagong Presidente, Bongbong Marcos katuwang ang ating Senadora Imee Marcos upang aming makakatuwang sa pagtulong sa ating mga kababayan!”, ani Mayor Sonny sa kaniyang mensahe sa harap ng Senadora at mga kababayan. Saad din ni Mayor Sonny – katuwang si Congresswoman Maitet, hindi tumitigil ang Pamahalaang lokal sa paghahanap ng mga kapamaraanan upang mas maramdaman at mailapit pa ang serbisyo at programa ng gobyerno sa bawat Tanaueño.
Samantala, ipinabatid naman ni Senator Imee Marcos ang kaniya ring taos pusong pasasalamat sa mainit na pagtanggap nila Mayor Sonny at Congresswoman Maitet kasama sina Tanauan City Women’s Coordinating Council President Atty. Cristine Collantes, 3rd District of Batangas Chief of Staff Atty. King Collantes, City Administrator Wilfredo Ablao, Barangay Captains, Department Managers at higit sa lahat ang mga kababayan nating mga benepisyaryo ng tulong pinansyal.
Sa hindi inaasahang pagkakataon, ikinagalak naman ng Senadora nang makitang muli si Ginoong Gerry Lanting na ‘di umano dating naglingkod sa kanilang pamilya bilang isang driver na isa ring Tanaueño.
Dumalo rin sina Governor DODO Mandanas, Presidential Legislative Liason Officer Mark “Dong” Mendoza, Sangguniang Bayan – Municipality of Malvar Mayor Cristeta Cuevas Reyes at Vice Mayor Antonio Lat upang magpakita ng suporta sa naturang programa.