Mga programang pangkababaihan at mga aktibidad para sa Women’s Month sa Marso, tinalakay sa 1st Quarterly Meeting Tanauan City Women’s Coordinating Council
Women’s Summit, Skills Training Program at Sports Fest para sa selebrasyon ng Women’s Month ang ilan sa mga kasalukuyang programang inihahanda na ng Tanauan City Women’s Coordinating Council batay sa ginanap na 1st Quarterly Meeting nito ngayong araw na dinaluhan ng mga lider-kababaihan mula sa iba’t ibang barangay at organisasyon.
Bukod dito, tinalakay rin ni TWCC President Atty. Cristine Collantes ang mga kasalukuyang hakbangin ng TWCC para sa akreditasyon nito sa Security Exchange Commission (SEC) at Sangguniang Panlungsod upang mas mapalawak pa ang mga programang kanilang maihahatid sa sektor ng kababaihan, katuwang ang City Social Welfare and Development Office (CSWD) at ng Gender and Development Office (GAD).
Nagpaabot naman ng suporta ang ating Ina ng Ikatlong Distrito, Congw. Maitet Collantes sa mga programa ng TWCC. Bilang miyembro ng Committee on Women and Gender Equality sa Kongreso, nangako rin itong makikiisa at masisigasig na aalamin ang mga mungkahi ng nasabing sektor na maaaring isulong bilang panukalang batas.
Habang ibinahagi naman ng mga kinatawan ng Avon-Tanauan na sina Executive Leader Ms. Ferly Nacua ang kanilang programang Ginang Avon Tanauan Pageant sa darating na Setyembre na layong kilalanin ang ganda, talino at hindi matatawarang dedikasyon ng mga kababaihan sa iba’t ibang larangan.
Samantala, upang mas palakasin ang nasabing sektor sa pamamgitan ng paghahatid ng kabuhayan, nakipag-ugnayan ang Pamahalaang Lungsod at ang TWCC sa Union Bank sa pangunguna ni Union Bank-Lima Branch Relations Manager Ms. Maria Agnes Adonna upang maipakilala ang “eBIZ” at ang kanilang “Negosyante Day Caravan” na layong matulungan ang mga Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) sa Lungsod sa aspetong pinansyal.