Print
Category: Latest News

COVID-19 VACCINE ROLL-OUT, SINIMULAN SA TANAUAN CITY

Screenshot 20210326 095155 Office

Makikita sa larawan si Dr. Adel S. Bautista, City Health Officer ng Lungsod ng Tanauan na siyang unang tumanggap ng “first dose” ng AstraZeneca COVID-19 Vaccine sa “Ceremonial Vaccination Activity” na isinagawa noong Marso 22, 2021 sa Gymnasium 1. (Photo Courtesy: Roderick P. Lanting | CIO Tanauan)

LUNGSOD NG TANAUAN, BATANGAS--- Upang sugpuin ang pamiminsala ng buhay at banta sa kalusugan ng CoViD-19 na nasa “second surge” na sa kasalukuyan, isinagawa na rin sa lungsod na ito na pinamumunuan ni Mayor Angeline “Sweet” Halili, ang “CoViD-19 Vaccine Rollout” para sa mga “frontline health workers” noong Marso 22-24, 2021 na ginanap sa Gymnasium 1.

             Isang “Ceremonial Vaccination Activity” ang pinangunahan ni Dr. Adel S. Bautista, City Health Officer na siyang kauna-unahang tumanggap ng “first dose” ng AstraZeneca COVID-19 Vaccine. Ito ay upang mas bigyan ng kumpiyansa ang mga susunod na babakunahan kasabay na rin ng pagpapaalala sa publiko na ang nasabing bakuna ay dumaan sa masusing pagsusuri at proseso ng mga kinauukulan, dahilan upang tuwirang sabihin na ito ay epektibo at ligtas para sa sinumang maaaring tumanggap.

             Nasa kabuuang 670 indibidwal na nasa “priority list” ng lungsod ang mga nabakunahan sa naturang tatlong araw na aktibidad. Ito ay kinabibilangan ng mga kawani ng City Health Office (CHO), City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), City Social Welfare and Development (CSWD), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Department of Interior and Local Government (DILG) Contact Tracers, ilang kawani ng DepEd, Human Resources for Health (HRH), mga nagtatrabaho sa mga pribadong klinika gaya ng mga “dental clinics”, “medical and laboratory clinics” at “private birthing homes.”

 

             Kabilang naman sa mga dumalo sa pagbubukas ng programa sina Vice Mayor Atty. Herminigildo Trinidad Jr. at mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod na sina Kon. Czylene Marqueses, Kon. Angel Burgos, Kon. Glen Win Gonzales, Kon. Angel Atienza, Kon. Ret. BGen. Benedicto Corona, Kon. Dra. Kristel Guelos, Kon. Herman De Sagun, Association of Barangay Captains (ABC) President Isidro Fruelda at Sangguniang Kabataan (SK) Federation President John Kennedy Macalindong.

             Ang AstraZeneca COVID-19 Vaccines ay dumating sa lungsod noong Marso 19, 2021. (Maireen Jenzen Nones / CIO Tanauan| Photo Courtesy: Roderick Lanting| March 25, 2021)#